Isang mag-live-in partner ang natagpuang patay at may tama ng bala sa loob ng isang pick-up sa Bacolod City. Lumabas sa imbestigasyon na mismong sa loob ng sasakyan nanggaling ang putok ng baril.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV footage ang pagtigil ng isang pick-up sa gilid ng kalsada sa Araneta Street.
Ilang saglit pa, rumesponde ang kapulisan matapos na may makarinig ng putok umano ng baril sa lugar.
Natuklasan na isang dating punong barangay sa Bago City ang lalaki, samantalang isang fish dealer naman ang babae.
Hinihintay ng kapulisan ang resulta ng ballistic cross-matching at bullet trajectory examinations.
Base rin sa imbestigasyon ng awtoridad, nagtalo ang dalawa bago narinig ang mga putok ng baril.
Narekober sa loob ng sasakyan ang dalawang baril na may papeles, isang grenade launcher at mga bala.
Maituturing ilegal ang pagmamay-ari ng grenade launcher dahil para lang ito sa mga uniformed personnel.
Sinabi ng pulisya na dati nang nasangkot sa pamamaril ang lalaking nasawi. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
