Arestado sa Antipolo, Rizal ang isang construction worker na tulak umano ng ilegal na droga. Pero ayon sa pulisya, hitman din ang suspek at sangkot sa ilang kaso ng pagpatay.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nadakip sa buy-bust operation ang suspek na si alyas “Benjie,” sa Barangay Dela Paz noong Biyernes.
Nakuha sa kaniya ang 54 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P367,000, at isang kalibre .45 na baril na may apat na bala.
Ayon kay Police Lieutenant Orlando Jalamasco, PIO ng Antipolo Component City Police Station, nauugnay ang suspek sa isang insidente ng pamamaril noong Marso 13, at tumutugma rin sa CCTV na siya rin ang suspek sa pagpatay sa Sitio Abuyod.
Isang araw bago nadakip ang suspek, pinagbabaril umano nito at pinatay ang isang lalaking nakatransaksiyon niya sa droga. Nakunan sa CCTV ang kaniyang pagtakas sakay ng motorsiklo.
“Itong suspek na 'to, ito 'yung mga hitman na bumibira talaga 'pag once na hindi ka nakapag-remit. Dahil may utos nga sa kasamahan nilang mas mataas sa kanila,” ayon kay Jalamasco.
“Isa siya sa watchlist ng barangay at talagang involved siya sa bentahan ng droga. At na-involved din siya sa mga patayan. Mismo siya umamin sa akin na binayaran sila ng halagang P20,000 para itumba ‘yung tao na nag-onse sa kanila sa droga,” sabi naman ni Marvin Corpuz, chief tanod ng Barangay San Isidro.
Ayon pa sa pulisya, nakarehistro sa Apayao ang baril na nakuha mula sa suspek. Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng may-ari nito upang matukoy kung binili lang ito, ninakaw o galing sa mastermind.
Umamin ang suspek na sangkot siya sa pagbebenta ng ilegal na droga at sa pagdadala ng baril, pero tumanggi siyang magsalita tungkol sa alegasyon ng pagpatay, na sa korte na lang umano niya sasagutin.
Nakadetine sa custodial facility ng Antipolo Police ang suspek, na sasampahan ng kasong murder, paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa illegal possession of firearms and ammunition at paglabag sa Omnibus Election Code.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News