Pinagboksing ng isang barangay kagawad ang dalawang menor de edad na matagal na umano niyang sakit sa ulo dahil ayaw nilang magpaawat sa kanilang pag-aaway sa Molo district sa Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing pinagsuot ng barangay kagawad ng boxing gloves ang dalawa na may edad na 14 at 15.
Pinanood naman sila ng ilang residente at tila nag-cheer pa habang nagsusuntukan na may kasamang pagsipa ang dalawa.
Ngunit ikinagalit ng mga magulang at guardian ng mga menor de edad ang ginawa ni kagawad
Humingi na ng tawad sa kanila ang kagawad, na inaming nagkamali siya.
Pinagsabihan na rin ng barangay captain ang kagawad.
Samantala, pinulong ng Iloilo City Social Welfare and Development Office ang mga sangkot sa insidente.
Nakatakdang isailalim sa rehabilitative counseling at community service ang dalawang nag-away na menor de edad. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News