Inaresto ang 25-anyos na vlogger si Ronie Suan, na mas kilala bilang si "Boy Tapang" dahil umano sa pananakit ng kaniyang live-in partner sa Cebu. Itinanggi naman niya ang alegasyon at nakalaya na rin matapos magpiyansa.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing inaresto si Boy Tapang noong madaling araw ng Abril 1, 2025 matapos magreklamo ang kaniyang kinakasama ng pananakit na nangyari sa kanilang bahay sa Alcoy, Cebu noong hapon ng March 31, 2025.
Sa reklamo ng biktima na kapapanganak lang umano, sinabing nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ni Boy Tapang na humantong sa sinasabing pananakit ng vlogger.
Selos umano ang ugat ng pananakit ni Boy Tapang, na isang taon na niyang kinakasama.
Sinampahan si Boy Tapang ng reklamong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004 nitong Miyerkules. Nakapagpiyansa naman at nakalaya ang vlogger ngayong Huwebes.
Hinikayat ni Cebu Police Provincial Office Director, Police Colonel Jovito Atanacio, ang biktima na ituloy ang reklamo para maiwasan ang mga susunod pang pang-aabuso umano vlogger sa babae.
Bagaman inamin ni Boy Tapang na nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ng babae, itinanggi niya na sinaktan niya ito.
“Yung problema namin napakaliit lang, problemang mag-partner lang talaga. Pero yung nagbuhatan ng kamay hindi yun tama. Yung binugbog ko daw, hindi totoo 'yan. Yung partner ko kasama ko yan dito [sa detention facility], binantayan niya ako,” sabi ni Boy Tapang sa panayam ng GMA Super Radyo Cebu.
"Pumunta siya rito sa police station, nagreport siya, hinayaan ko, mag-report ka doon hindi ako natatakot. Normal na away lang sa partner, walang bugbugan na nangyari," sabi pa ng vlogger. -- FRJ, GMA Integrated News
