Tatlo katao ang patay habang 13 ang sugatan matapos managasa ang isang kotseng minamaneho ng isang dayuhan sa isang prusisyon sa Biyernes Santo sa Barangay Alangilan, Bacolod City. Ang driver, nakumpirmang nakainom.Sa ulat ni Aileen Pedreso ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing kabilang sa mga nasawi si Jonel Solano, na siyang nagmamaneho ng tricycle na sumusunod sa prusisyon.Ang tricycle ang unang nasalpok ng pribadong sasakyan.Patay din ang dalawang sakay ng tricycle na isang lalaki at isang menor de edad.Dumating ang mga ambulansya para tulungan ang mga naaksidente.Patuloy na ginagamot sa ospital ang hindi bababa sa 13 na mga sugatan sa insidente.Sinabi ng Bacolod City Police na isang 36-anyos na Indian ang driver ng nakadisgrasyang kotse, na may sakay na apat pang Indian.Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na mabilis ang takbo ng sasakyan nang makasalubong nito ang tricycle, na nakasunod naman sa prusisyon.Nasalpok din ang isang pulis vehicle sa prusisyon.“Based on the evidence sa crime scene, hindi talaga siya nag-apply ng brake. Makikita lang ang mark sa gulong ng tricycle. Ang damage, nagpapakita talaga na mabilis ang takbo niya,” sabi ni Police Colonel Joeresty Coronica, Director ng Bacolod City Police Office (BCPO).Tinangka umanong tumakas ng sasakyan, ngunit nadakip din kalaunan.Nakumpirma rin sa isinagawang alcohol test na positibong nakainom ang driver.“Pasensiya talaga. Sorry kasi hindi ko naman ginustong mabangga sila. Mabilis lang talaga ang nangyari,” sabi ng suspek, na nahaharap sa patong-patong na reklamo.Nagpahayag ng pakikiramay ang Diocese of Bacolod sa mga naulila at kaanak ng mga nasaktan.“We stand in solidarity with all the affected families, especially those of the deceased, offering our prayers, support, and compassion in this time of mourning,” mensahe ni Bishop Patricio Buzon ng Diocese of Bacolod. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News