Patay ang isang truck driver matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo nang bumulusok ang minamaneho niyang truck na may dalang backhoe at bumangga sa kolong-kolong at isa pang truck sa Rodriguez, Rizal.

Sa eksklusibong ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente sa Barangay San Jose nitong Martes, kung saan tila na-sandwich ang kolong-kolong matapos pagitnaan ng dalawang truck.

Sinabi ng pulisya na isinalaysay ng isang saksi sa aksidente na nag-park ang driver ng truck sa kahabaan ng Mayon Avenue para ibalanse ang karga nitong backhoe.

"Bumagsak itong hydraulic, 'yung parang pangtukod. Bumagsak at bumulusok na itong truck na may sakay na backhoe. Nahagip 'yung driver nu'n at du'n bumangga sa isang kotse rin na naka-park doon. At saka 'yung tricycle na nakaladkad at bumangga roon sa isang truck din na naka-park," sabi ni Police Lieutenant Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police.

Nasawi ang 50-anyos na truck driver matapos ang aksidente.

"Lifeless na talaga 'yung tao pagdating namin kasi medyo hanggang sa ulo na 'yung tama niya. May karga siyang backhoe. Ayun 'yung nakadagan sa kaniya," sabi ni Wilfredo Mapola, OIC ng Area 2 ng Barangay San Jose.

Nakaligtas ang driver ng kolong-kolong, pati ang driver ng nabanggang truck. Nagkayupi-yupi naman ang nabanggang truck.

Sinusubukan pang kunan ng GMA Integrated News ng panig ang mga kaanak ng pumanaw na biktima, na residente ng Barangay San Isidro. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News