Tila nagwala ang isang kotse na nakabangga ng isang bahay, barangay hall, at ilang sasakyan, at maging ang nasa limang tao, bago tuluyang tumigil sa Noveleta, Cavite. Ang babaeng driver ng kotse, hinimatay pa.Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangy San Rafael 3, nitong Martes ng umaga.Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang kotse na mabagal lang ang usad sa kalsada kaya nagdulot ng pagbagal sa daloy ng trapiko.Ilang taga-barangay ang tinangkang katukin ang kotse sa pag-aalala na baka may nangyayari na sa driver.Pero biglang lumihis ang kotse at mabilis na umarangkada at bumangga sa isang van sa kabilang lane.Sandaling tumigil ang kotse, at saka mabilis na umatras at bumangga sa isang bahay. Sunod nito ay umarangkada muli ang kotse at bumangga harapan ng multi-purpose hall ng barangay.Inararo rin ng kotse ang isa pang kotse, dalawang rider ng motorsiklo, at tatlong empleyado ng barangay.Umusad pa muli ang kotse pero hinarang at pinatigil ng iba pang mga taga-barangay hall. Pero kinakausap umano ang driver, bigla itong hinimatay kaya dinala sa ospital.Mabuting walang nasawi sa naturang insidente pero may mga malubhang nasugatan na dinala sa ospital.Ayon kay Deanna Sumilang, pamangkin ng isa sa mga biktima, nasa ospital pa ang kaniyang kaanak at nagpapagaling dahil sa tinamo nitong fracture sa hita na nadurog umano ang buto at kakailanganing lagyan ng bakal at sementuhan.Desidido sila na sampahan ng reklamo ang driver ng kotse.Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente at inaalam kung bakit nawalan ng kontrol ang driver ng kotse. – FRJ, GMA Integrated News