Patay na at may mga sugat sa ulo nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang mag-asawa at isa nilang anak sa loob ng kanilang bahay sa Malaybalay City, Bukidnon. Nakapagtago naman at nakaligtas ang dalawa pa nilang mga batang anak.Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa kabundukang bahagi ng Barangay Managok, noong hatinggabi ng Miyerkules.Nasawi ang 50-anyos na padre de pamilya, ang 48-anyos na ginang, at 15-anyos nilang anak na lalaki.Nagtamo ng mga sugat na ulo ang mga biktima na hinihinalang hinataw ng maso at bakal na tubo na nakita sa pinangyarihan ng krimen.Nakapagtago naman at nabuhay ang dalawa pang anak ng mag-asawa na edad walo at 10.Ayon sa pulis, inabot ng umaga bago nakita at nakapagsumbong sa barangay ang magkapatid.“(During) the incident sir, immediate after before sila makita, nakapagtago pa sila. So morning na sila nag-report sa Brgy. Official at saka morning na na-inform ang PNP Malaybalay,” ayon kay Bukidnon Police Provincial Office Spokesperson Police Major Jayvee Babaan.Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen. Kabilang sa tinitingnan na anggulo ang paghihiganti ng salarin.Inalis ang motibo ng pagnanakaw dahil hindi nagalaw ang pera at ibang mahahalagang gamit ng mga biktima.Mayroon na umanong persons of interest ang pulisya.“Accordingly, ang business nitong mag-asawa is landscaping so we are looking into it kung may naka-kontrahan ba sila for the said incident. Kung may previous history ba sila sa mga na-kontrahan nila kung may kaalitan ba sila before sa tragic na incident,” ayon kay Babaan.Isasailalim naman sa counseling ang nakaligtas na magkapatid.-- FRJ, GMA Integrated News