Nasawi ang isang 87-anyos na babaeng tumatawid sa kalsada matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo sa Santa, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang pagbangga ng motorsiklo sa biktima, na nangyari sa bahagi ng Barangay Sacuyya Sur.

Batay sa imbestigasyon, sinubukan pang umiwas ng rider ngunit tinamaan niya pa rin ang biktima.

Nagkaayos na umano ang pamilya ng biktima at ng rider.

Samantala sa Barangay Labut Norte naman sa Santa pa rin, isang 23-anyos na motorcycle rider ang nasawi matapos bumangga sa poste.

Batay sa imbestigasyon, sinubukang ayusin ng rider ang suot niyang kapote gamit lamang ang isang kamay, ngunit nawalan siya ng kontrol sa motor.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na kunan ng panig ang pamilya ng biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News