Binawian ng buhay ang isang 29-anyos na lalaki matapos siyang hatawin ng martilyo sa ulo ng kaniyang kainuman sa Barangay Catalunan Grande sa Davao City.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakikipag-inuman ang biktima sa 35-anyos na suspek nang bigla silang magkaroon ng mainit na pagtatalo.

Nauwi ito sa suntukan hanggang sa paluin umano ng suspek ang ulo ng biktima gamit ang martilyo.

Isinugod ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay pagkaraan ng ilang oras.

Naaresto naman ang suspek na hindi nagbigay ng pahayag, at mahaharap sa kasong murder.—FRJ, GMA Integrated News