Napahagulgol na lamang ang isang lola matapos lamunin ng apoy ang kaniyang bahay sa Quezon, Palawan. Ang tulong pinansiyal na ipinadala sa kaniyang anak, nalimas pa ng scammer.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ni Lola Maria Loresto na napaupo na lamang at umiiyak habang pinagmamasdan ang nasusunog na bahay.
Inilahad ng uploader na si Analyn Pabol na saglit lang na umalis si Lola para puntahan ang kaniyang anak sa katabing bahay.
Ngunit pagbalik niya, nakita niyang nilalamon na ng apoy ang kaniyang tahanan sa Barangay Quinlogan.
Ayon sa mga inisyal na ulat, hinihinalang nagmula ang sunog sa baterya ng solar panel sa bahay ng lola.
Ngunit iba ang salaysay ng isa sa mga tumutulong sa lola.
"'Yung kanila pong solar panel ay maliit lang, and then nakalagay naman daw po sa labas. And nu'ng time na 'yun, hindi naman daw po naka-connect 'yung kanilang maliit na solar doon sa loob ng bahay. Nu'ng time pala na 'yun 'yung matanda parang nakalimutan niya na may naiwan pala siyang kalan na nakasindi," sabi ni Charles Degillo.
Nakatawag naman sila ng bumbero, ngunit mahigit 30 kilometro ang layo ng fire station kaya tupok na ang bahay nang datnan nila ito.
Makalipas ang sunog, mga yero na lang ang natira sa bahay at wala ring naisalbang gamit ang lola, na mag-isa lang na naninirahan sa bahay.
"Hindi rin po agad-agad makikita 'yung sunog kasi sa gitna po ng gubat 'yung bahay, so napapalibutan ng puno kaya hindi siya makita masyado," sabi ni Leonel Gregorio Loresto, apo ni Lola Maria.
Pansamantalang naninirahan si Lola sa kaniyang anak.
May mga nagpadala ng tulong pinansiyal sa lola na ipinadaan sa kaniyang anak ngunit sa kasamaang palad, nalimas pa ng scammer.
Umaasa pa rin si Lola Maria na may tutulong sa kaniya para makapagpatayo ulit siya ng sarili niyang tirahan.— Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
