Patay sa engkwentro ang pitong hinihinalang miyembro ng New People's Army matapos umanong makipagbarilan sa mga sundalo sa Uson, Masbate.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Lunes, sinabing 6 a.m. ng Linggo nang makasagupaan ng nasa 15 miyembro umano ng NPA, ang 2nd Infantry Battalion sa Barangay San Mateo, ayon sa tagpagsalita ng 9th Infantry Division ng Philippine Army.

Matapos ang may 30 minutong engkuwentro, narekober ng mga awtoridad ang

siyam na matataas na kalibre ng baril, ilang dokumento at kagamitan na may kaugnayan umano sa NPA.

Nagsagawa ng combat operations ang sundalo matapos ang mga ulat na nagre-recruit at nangingikil umano ang mga miyembro ng NPA sa lugar.

Walang nasaktan sa hanay ng mga sundalo, na patuloy ang pagtugis sa mga nakatakas ng miyembro ng NPA.

Ikinagulat naman ng kapitan ng barangay ang insidente, na hinihikayat ang mga residente sa lugar na agad ipagbigay-alam sa kanila ang mga kaduda-dudang tao.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News