Sampung PDL o persons deprived of liberty ang tumakas mula sa Batangas provincial jail sa Ibaan kaninang umaga ng Lunes habang sinasamahan sila sa public utility room. Ang lima sa kanila, nasakote nang sumakay sa isang pampasaherong bus.

“A prison guard was escorting the prisoners to the public utility room when one of the prisoners pointed an ice pick at him, took his service firearm and pointed at him, while other prisoners took advantage of the said situation,” ayon sa impormasyon mula sa Police Regional Office 4A (PRO 4A).

“At that instance, the PDLs fled on foot towards the direction of Barangay Quilo, Ibaan, Batangas,” dagdag nito.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Batangas provincial government na walo sa tumakas na PDL ang naaresto na.

Iniutos din ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto na imbestigahan ang nangyaring pagtakas ng mga PDL.

Ayon kay Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, bagong pasilidad ang bagong provincial jail, at nito lang nakaraang June 24 inilipat doon ang 792 na lalaking PDLs.

Hindi pa umano maayos ang security protocols sa pasilidad.

Sa hot pursuit operation, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na lima sa mga PDLs ang sumakay sa isang bus na naharang sa Sto. Tomas City sa Batangas.

Ayon kay Police Lt. Col. Marlon Cabataña, hepe ng Sto. Tomas City Police Station, nagkaroon ng negosasyon at mayapang sumuko ang mga PDL pagkaraan ng halos 30 minutong pag-uusap.

Wala umanong hostage taking na nangyari sa loob ng bus, ayon sa pulisya.

Nakuha sa kanila ang isang baril at ilang patalim. Tatlong PDLs ang nasakote kalaunan sa Ibaan, habang patuloy na hinahanap ang dalawa pa. – Mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News