Pumanaw na ang 18-anyos na lalaki na nagbaril sa sarili matapos na barilin umano ang isang 15-anyos na babaeng estudyante sa loob ng isang paaralan sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing kinumpirma ng pulisya ang pagpanaw ng suspek kaninang 3:50 pm habang ginagamot sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Nananatili namang kritikal ang kalagayan ng biktimang dalagita.

Patuloy naman na inaalam ng mga awtoridad kung saan nakuha ng suspek ang kalibre .22 na baril na ginamit niya sa krimen.

 

 

Umaga nitong Huwebes nang pumasok sa paaralan ang suspek at nagtungo sa silid-aralan ng biktima para kausapin. Pero nauwi ito sa pagbaril ng suspek sa dalagita, pagkatapos ay nagbaril sa sarili.

Lumilitaw sa imbestigasyon na dating kasintahan ng suspek ang biktima.

Crime of passion ang isa sa mga nakikitang motibo ng mga awtoridad kung bakit ginawa ng suspek ang krimen na maaaring hindi umano matanggap ng lalaki ang pakikipaghiwalay ng biktima.

“Accordingly, mag-lover sila then naghiwalay. Parang tinitingnan [motibo] is crime of passion ang nangyari. Parang nakipaghiwalay yata yung babae, ngayon according sa witness na kaibigan ng babae, hindi accepted ng lalaki [ang nangyaring breakup],” ayon sa pahayag nitong Huwebes ni Police Major Willard Lumawig Dulnuan, hepe ng Sta. Rosa Police Station. –FRJ GMA Integrated News