Patay ang tatlong magkakapatid na lalaki matapos bumangga sa pick-up truck ang sinasakyan nilang tricycle sa Pototan, Iloilo. Ang magkakapatid, patungo sa ospital para dalhin ang isa sa kanila na sugatan matapos tagain umano ng kanilang bayaw.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, makikita sa video footage ang insidenteng nangyari noong August 15, sa Barangay Rumbang, na pumailalim pa sa isang sasakyan ang isa sa mga biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dadalhin ng magkapatid na sina alyas “Riyen” at “Raymond” sa ospital sakay ng tricycle ang isa nilang kapatid na si alyas “Reymark,” na malubhang nasugatan matapos umanong tagain sa leeg at likod ng ulo ng kanilang bayaw na si Mike Servidad.
Sa pagmamadali, nag-overtake umano sa isang sasakyan ang tricycle na minamaneho ni Riyen, ngunit nabangga sila ng kasalubong na pick-up truck. Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga biktima.
“Head on collision. Sa impact na ito, ang driver doon, lumipad. Tapos ang isa, napunta sa sasakyan na nakasunod sa kanila. Unfortunately, two of the victims were pronounced dead on arrival,” patungkol ni Police Major Bryan Alamo, hepe ng Pototan Municipal Police Station, kina Reymark at Raymond.
Pumanaw din kinalaunan habang ginagamot sa ospital si Riyen.
Kaugnay nito, dinakip naman ng mga awtoridad ang suspek na si Servidad dahil sa pananaga kay Reymark.
Ayon kay Alamo, sinabi ni Servidad na ipinagtanggol lang niya ang kaniyang sarili, at kaniyang asawa, mula kay Reymark na lasing umano at unang may hawak ng itak.
“May pag-aaway gamit ang itak. Due to self defense, kay based sa information, nauna ang victim natin na hinabol ang kanyang kapatid na babae. So nakita ng asawa (ng babae), he intervened at inagaw niya ang itak,” ayon kay Alamo.
Sinabi naman ni Servidad, na naagaw niya ang itak mula kay Reymark na ginamit niyang pangtaga rito.
Hindi na nagpaunlak ng panayam ang pamilya ng magkakapatid pero may indikasyon na hindi na nila kakasuhan ang suspek sa ginawa nitong pananaga sa isang biktima.—FRJ GMA Integrated News
