Nasawi ang dalawang lalaking magtiyuhin matapos silang magtagaan sa Bais City, Negros Oriental.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente noong Huwebes.

Batay sa imbestigasyon, may dala-dalang dalawang itak ang suspek at sumugod at nag-amok sa bahay ng kaniyang pinsan.

Lumabas ang kaniyang tiyuhin upang umawat pero inundayan ito ng taga ng suspek.

Sugatan ngunit naagaw ng biktima ang isang itak, bago gumanti ng taga na ikinamatay ng suspek.

Pero ang biktima, namatay din dahil sa tinamong sugat.

Sinabi ng mga awtoridad na may kondisyon umano sa pag-iisip ang suspek, at dati na rin siyang nakaalitan ng pamilya ng biktima.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng kanilang mga kaanak. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News