Nahuli-cam sa Dasmariñas, Cavite ang ginawang pagtangay ng mga salarin sa motorsiklo ng isang rider na kanilang hinarang sa daan.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, makikita na hinarang ng riding in tandem suspects ang biktima sa Jose Abad Santos Avenue sa bahagi ng Barangay Salitran.

Isa pang suspek ang dumating at tinutukan ng baril ang biktima, na wala nang nagawa kung hindi ang bumaba ng kaniyang motorsiklo.

Naglakad na lang palayo ang biktima na suot pa ang helmet habang tumakas naman ang mga salarin tangay ang kaniyang motorsiklo.

Patuloy pa umano ang backtracking ng mga awtoridad para mahuli ang mga salarin. – FRJ GMA Integrated News