Sugatan ang isang 65-anyos na senior citizen nang matusok ng bakal ang kaniyang mukha matapos siyang mahilo at madulas habang nangunguha ng malunggay sa bakod ng kapitbahay sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing isinagawa ang rescue operation sa babae sa San Agustin nitong Martes, matapos matusok ng bakal na nagsisilbing bakod ng plant box ang kaniyang mukha.
Binendahan ang ulo ng babae ng Emergency Medical Services ng QCDRRMO, habang gumamit ng hydraulic cutter ang Special Rescue Force ng Quezon City Fire District para maputol ang bakal.
Matapos nito, manu-manong tinibag sa pagkakasemento ang bahagi nito hanggang sa tuluyan nang masagip ang biktima.
Maingat na inihiga sa stretcher at dinala sa hospital ang senior citizen.
Sinabi ng mga rescuer na umabot ng halos 20 minuto bago naialis ang biktima sa bakod.
“Ang naging challenge lang po sa amin siyempre nakatusok siya doon sa bakal. So hindi natin puwedeng basta-basta galawin. So nagdahan-dahan lang po tayo roon hanggang matanggal natin siya roon sa pagkatusok,” sabi ni Senior Fire Officer 2 Richard Andrew Roces, team leader ng QCFD Special Rescue Force.
“Kahit papaano, pasalamat pa rin at walang tinamaan na vital. ‘Yung carotid artery, hindi masyadong nadale. And then 'yung dito, 'yung sa trachea, 'yung sa airway, hindi naman tinamaan,” dagdag ni Roces.
Batay sa impormasyong nakalap ng BFP, naganap ang insidente ilang metro lang ang layo sa bahay ng biktima.
“Ang sabi lang po ng witnesses na nandu’n sa paligid is kumukuha siya ng malunggay. And then nahilo, then suddenly nadulas doon sa gilid ng plant box. Then saka siya natusok doon sa fence,” sabi ni Roces.
Inoperahan ang biktima para matanggal ang nakatusok na bakal. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa ospital.
Nagpaalala ang BFP sa publiko na tumawag sa mga awtoridad kung sakaling mangyari ang kagayang insidente.
“Tumawag agad tayo ng awtoridad at iwasan natin galawin basta-basta 'yung pasiyente. So, i-stabilize lang natin, hawakan lang siya kung saan siya nakalugar. Then hintayin natin 'yung awtoridad na gumawa ng paraan para matanggal siya dito nang safe," sabi ni Roces. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
