Isang barangay tanod ang patay matapos mang-araro ang isang pickup ng tatlong sasakyan sa Cavite City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nasalpok ng pickup ang isang motorsiklo, hanggang sa tamaan ng motor ang isa pang motor.

Nagpatuloy pa umano ang pickup sa pag-andar hanggang sa masagasaan na nito ang isang nagpapatrolyang tanod.

Tinangkang tumakas ng pickup hanggang sumalpok naman ito sa isang minibus.

Dead on arrival sa ospital ang nasagasaang tanod na kinilalang si Ismael Bombales, habang sugatan ang anim na iba pa.

Lumabas sa resulta ng breathalyzer test na positibong nakainom ng alak ang pickup driver.

Nananawagan ng hustisya ang live-in partner ng nasawing biktima sa insidente.

“Hindi ko [mailarawan] ‘yung expression na nararamdaman ko. Lalo na ngayon, ang anak ko, baby pa. Bago siya lang ‘yung kasama ko sa bahay, siya lang ang katuwang ko,” sabi ni Jhen live-in partner ni Bombales.

Sinusubukan pang kunan ng GMA Integrated News ng pahayag ang suspek na naka-confine sa ospital. —VAL GMA Integrated News