Nasawi ang isang security guard matapos siyang barilin ng kapwa niya security guard na kaniya umanong binu-bubully sa Kawit, Cavite.

Sa ulat ni EJ Gomez sa "Unang Balita" nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa munisipyo ng bayan kung saan nagtatrabaho ang dalawa.

Lumabas sa imbestigasyon na magkasabay sa duty ang suspek at biktima. Hanggang sa sinundan umano ng armadong suspek ang biktima at binaril sa ulo.

Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit nasawi kalaunan. Inaresto naman ang guwardiyang bumaril.

“Kaya ko binaril ‘yun, sir, lagi na lang akong minumura, sir. Tapos lagi akong pinapahiya sa mga maraming tao,” sabi ng suspek.

Umiwas munang magbigay ng pahayag ang asawa ng biktima.

Reklamong murder ang kahaharapin ng suspek. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News