Limang pulis na sangkot umano sa panloloob sa isang bahay at pagtangay ng P14 milyon halaga ng pera ang sinibak sa puwesto sa Porac, Pampanga.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa "Balitanghali" nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang pagpasok ng ilang kalalakihan sa isang bahay sa Barangay Santa Cruz, hanggang sa hindi na nahagip ng camera ang mga sumunod na insidente.

Batay sa nag-report na concerned citizen, tinutukan ng mga suspek ng baril ang nakatira sa bahay at dinala ito sa banyo.

Pagtakas ng mga salarin, natuklasan ng pamilya na nawawala ang kanila umanong P14 milyon na cash.

Sinabi ng direktor ng Regional Office 3 na nanggaling sa Angeles City Police ang apat na pulis habang sa Zambales Provincial Police Office ang isa pa.

Hindi muna pinangalanan ang mga opisyal habang gumugulong ang imbestigasyon sa reklamo.

Hindi sila nagbigay ng kanilang panig. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News