Patay matapos umanong manlaban sa mga pulis ang suspek sa paghahagis ng granada na ikinasugat ng 22 katao sa gitna ng selebrasyon sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Matalam, Cotabato.
Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ng Matalam Police na nagsagawa sila ng hot pursuit operation laban sa suspek na si alias “Can.”
“The suspect resisted arrest and drew his short firearm and sporadically shot the arresting PNP personnel prompting the police to return fire,” saad ng pulisya.
Nakuha mula sa suspek sa crime scene ang isang.45 caliber pistol, isang magazine, at mga bala.
Dinala sa ospital ang suspek at may nakuha pa sa kaniya na maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at dalawang improvised glass tubes.
Nangyari ang paghahagis ng granada sa national highway sa Barangay Dalapitan noong bisperas ng Bagong Taon. Kabilang sa 22 sugatan ang isang menor de edad.
Ayon sa mga saksi, nanonood ang mga biktima sa ginagawang pagpapaingay ng mga motorsiklo sa pagsalubong sa Bagong Taon nang mangyari ang paghagis ng granada. —Joviland Rita/ FRJ GMA Integrated News
