Sinampahan na ng reklamo ang tindero na itinurong pumalo at pumatay sa isang asong Labrador na nakawala sa bahay at nakarating sa isang palengke sa Mandaue City.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing walang kasunduan na naganap sa pinakahuling pag-uusap ng vendor at may-ari ng pinatay na aso na ginanap sa barangay hall ng Canduman.
Ayon kay Canduman Barangay Chairman Dante Borbajo, hindi tinanggap ng fur parent ng asong si “Cooper,” ang paghingi ng paumanhin ng inirereklamong vendor.
Lumilitaw na nakalabas ng bahay si Cooper at nagpagala-gala hanggang makarating sa palengke sa Canduman. Kumuha umano ng kahoy ang vendor na ilang beses hinampas ang aso hanggang sa mamatay.
Paglabag sa Animal Welfare Act ang isinampang reklamo ng amo ni Cooper sa piskalya laban sa vendor na itong Lunes, January 26.
Ayon kay Borbajo, humingi ng kopya ng pag-uusap sa mediation ang may-ari ng aso na isasama sa inihain nilang reklamo sa piskalya laban sa vendor, na aminado umano sa nagawang kasalanan.—FRJ GMA Integrated News
