Isang dalagita ang nasawi matapos siyang barilin ng senior citizen na may-ari ng sari-sari store na pinagtangkaan umano nitong pagnakawan sa Pototan, Iloilo.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa police report na nakarinig ng ingay ang senior citizen na may-ari ng tindahan madaling araw ng Sabado.
Ayon sa kaniya, may nagbubukas umano ng bintana ng kaniyang tindahan.
Nang komprontahin niya ito, tinangka umano ng dalagita na hatawin siya ng dos-por-dos, kaya niya ito binaril.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang dalagita na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.
Tumangging humarap sa camera ang suspek, na nagpaliwanag na hindi niya nakilala ang dalagita niyang kapitbahay.
Wala naman umanong intensyon ang senior citizen, na nahaharap sa reklamong homicide, na patayin ang biktima.
Iginiit naman ng mga kaanak ng dalagita na walang record ng pagnanakaw ang biktima at posibleng may nag-utos sa kaniya na magnakaw. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
