Sugatan ang isang 59-anyos na negosyante matapos siyang kidnapin at bugbugin sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Nakaligtas din naman ang biktima at nakilala na ang utak sa krimen, mismong pinsan niya na hindi niya raw pinahiram ng pera.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, nakita sa CCTV footage ang tatlong lalaking naghihintay sa labas ng isang bahay nitong Lunes ng umaga.
Nang dumating ang pickup truck na sakay ang biktima, kumilos ang mga suspek na sapilitang pinabalik ng sasakyan at kanilang tinangay.
Ngunit ayon sa pulisya, nabulilyaso ang pagdukot sa biktima nang maaksidente umano ang sasakyan na hindi nakuhanan ng video.
“Nagkaroon pa ng disgrasya, nakadisgrasya pa sila ng tao, patakas sila nung nakuha nila yung tao,” ayon kay Nueva Ecija Provincial Police Office director Police Colonel Heryl Bruno.
Napilitan din ang mga suspek na iwanan ang sasakyan at tumakas matapos ma-flat ang pickup truck.
“Nagkaroon ng problema yung sasakyan, na-flat. Bumababa, naglakad sila. Kanya-kanya silang lulan ng iba’t-ibang sasakyan,” dagdag ni Bruno.
Duguan na nakita ang biktima sa Barangay Bakod Bayan, at kaagad siyang dinala sa ospital.
“Ang biktima kanina, siyempre nagkaroon ng trauma dahil binugbog siya along the way. Ayos naman siya at nasa ospital,” sabi ni Bruno.
Umabot hanggang sa San Miguel, Bulacan ang isinagawang backtracking ng mga pulis at doon natunton ang utak sa krimen na pinsan ng biktima.
“Nahuli natin yung pinaka main suspect na nataon naman na ex-pulis na kamag-anak mismo ng biktima,” ayon kay Bruno. “Ayon sa rebelasyon ng kamag-anak, yung pinaka pinsan niya na ex-pulis, is ang sinasabi niya ay [may] problema sa pera, kailangan ng pera. Nag-demand sila ng P5 milyon.”
Inamin umano ng suspek na may galit siya biktima, na pinalala nang mangailangan siya ng pera.
“Nagalit ako sa kaniya dahil nangangailangan ako trabaho kasi may sakit ang asawa ko 'di niya ako pinapansin. ilang beses ako nagsabi, ini-ignore niya ako eh,” ayon sa suspek.
Pero hindi raw niya iniutos na saktan ang kaniyang pinsan.
“Hindi sir, hindi ko inutos na saktan dahil pinsan ko yun eh. Ang sabi ko lang, takutin lang para magbigay ng pera. Pera lang ang kailangan natin eh kako,” paliwanag niya.
Nadakip din kalaunan ang dalawa pang suspek sa Cabanatuan at Palayan, na pawang sinampahan ng kasong kidnapping. – FRJ GMA Integrated News
