Naging maaksyon at madugo ang isinagawang buy-bust operation na nagsimula sa Bacoor at nagwakas sa Cavitex sa bahagi ng Kawit sa Cavite nitong Martes ng hapon. Ang suspek, nasawi matapos na manlaban umano sa mga pulis.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabi ni Police Lt.Col. Alexie Desamito, hepe ng Bacoor Police, na nagpumiglas ang suspek nang aarestuhin sa lugar kung saan isinagawa ang operasyon.
Nagawa umano ng suspek na makatakas at nakuha ang hindi markadong sasakyan ng mga operatiba kaya nagkaroon ng habulan.
Pagsapit sa Kawit, may nabangga umanong dalawang motorsiklo, isang tricycle at isang SUV ang suspek at mayroon mga nasaktan.
Ayon kay Demasito, inabutan ng police mobile ang suspek pero binangga nito at pinapaputukan ang mga operatiba.
Natigil lang ang habulan nang paputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ng suspek.
Pero kahit nasukol na, nanlaban pa rin umano ang suspek kaya napilitan na ang mga pulis na barilin siya. – FRJ GMA Integrated News
