Nasawi ang isang babae na tumatawid sa pedestrian lane matapos siyang mabangga ng kotse na mabilis ang takbo sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ng Barangay San Andres nitong Linggo ang pagtawid ng babae sa pedestrian lane.

Ilang saglit pa, nabangga na siya ng kotse at tumilapon ng ilang metro.

Sa isang pang anggulo ng CCTV, makikitang matulin ang takbo ng kotse nang masalpok nito ang babae.

Sa halip na huminto, nagdire-diretso sa pag-andar ang kotse.

Dead on the spot ang babae, ayon sa pulisya.

Pinaghahanap na ang driver ng kotse.

Nanawagan ang kapatid ng biktima sa driver na sumuko na ito sa mga awtoridad. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News