Patay ang isang negosyanteng babae matapos siyang barilin ng isang lalaki sa loob ng kaniyang bahay sa Ipil, Zamboanga Sibugay. Ang gunman, malayang nakapasok sa bahay matapos na mapagkamalan na empleyado ng biktima.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, kakauwi lang 45-anyos na biktima matapos na sunduin sa eskuwelahan ang dalawang menor de edad na mga anak.
Pagbaba ng biktima sa sasakyan, pumasok ito sa bahay, at sumunod umano sa kaniya ang salarin at saka siya binaril.
Kaagad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa mukha.
Tumakas naman ang salarin sakay ng naghihintay na motorsiklo sa labas ng bahay.
“Hindi din napansin ng mga anak ng victim na may baril palang dala-dala yung tao na sumunod sa kanila. Nandoon naman si Ma’am sa loob ng bahay. Nang makita nila na andoon sa loob yung victim natin, saka nila binaril yung victim,” sabi ni Zamboanga Sibugay Police Provincial Office Spokesperson, Police Lt. Gina Magnaye.
Ayon sa pulisya, sinabi ng mga anak ng biktima na inakala nilang empleyado ng kanilang ina ang salarin.
“Akala nila ordinary lang na empleyado, yung ganon ba, hindi sila security-conscious kasi wala naman talagang natanggap na threat si Ma’am,” sabi pa ni Magnaye.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.—FRJ GMA Integrated News
