Nauwi sa rambulan ang isang basketball game dahil sa pisikalan ng dalawang manlalaro ng magkalabang team sa Barangay Pantal, Dagupan City.

Sa ulat ni Sendee Salvacio ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pisikalan ng dalawang player ng magkalabang koponan ilang segundo bago matapos ang third quarter ng laro ng mga kabataan.

Kalaunan, nagkatulakan ang dalawa, sumali na rin ang ibang player at nauwi na ang laro sa rambulan.

“Inambahan po ng isang team ‘yung nagsiko po sa kaniya. Kasi nakababa na po 'yung mga players. Tapos nu’ng tumakbo po 'yung isang team, bigla niya pong sinapak sa likod,” sabi ni Jhamel Ryan Cabatbat, SK Chairman ng Barangay Pantal.

Ipinatawag sa barangay ang mga dawit sa gulo, na mga edad 17 hanggang 18 at ang kanilang mga magulang.

Nagdesisyon ang Sangguniang Kabataan na i-ban o pagbawalan nang maglaro sa kasalukuyang liga ang mga kasali sa gulo.

Makaraan ang insidente, inutos ng barangay chairman ang pagbabantay ng mga tanod at pulis sa tuwing may laro ang mga kabataan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News