Napatay ang isa sa dalawang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo matapos niyang maka-engkuwentro ang pulisya sa Lucena, Quezon.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing Lucena City Police na nahanap nila ang suspek na sakay ang ninakaw nitong motorsiklo.
Na-korner ng mga awtoridad ang suspek, kaya bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang pulisya, na ikinasawi ang suspek.
Natuklasang may arrest warrant ang suspek sa hiwalay na insidente ng pagnanakaw.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kaniyang mga kaanak.
Unang nadakip ang kasama niya, na hindi rin nagbigay ng kaniyang pahayag. — BAP GMA Integrated News
