Isang sunog na bangkay ang nakita sa damuhan sa Barangay Maddiangat sa Quezon, Nueva Vizcaya nitong Huwebes ng umaga. Hindi nagtagal, isang tricycle driver ang kumilala sa bangkay na ang nawawala umano niyang anak na babaeng 19-anyos.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon ngayong Biyernes, sinabing isang mag-asawa ang unang nakakita sa bangkay nitong Huwebes ng umaga, at kaagad nila itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, hindi naman nagtagal ay isang tricycle driver ang kumilala sa bangkay na anak umano niya, na isa ring estudyante at nawawala mula pa noong Martes.

Sinabi umano ng ama sa pulisya na naging palatandaan nito ang suot na pantalon ng bangkay, pati na ang sapatos at medyas.

Isinailalim sa pagsusuri ang bangkay para malaman kung ano ang nangyari sa biktima.

Tumangi na munang magbigay ng pahayag ang pulisya habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.

Sa social media post, nagpaabot naman ng pakikiraman ang pamunuan ng paaralan na pinapasukan ng biktima.

Kasabay nito, nanawagan ang paaralan ng hustisya para sa sinapit ng kanilang estudyante.—FRJ GMA Integrated News