Isa ang patay, habang malubhang nasugatan ang isa pa sa nangyaring pamamaril sa Bacolod City. Ang mga biktima, sakay ng motorsiklo na biglang natumba at inakalang naaksidente lang.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Gatuslao Street dakong 10:00 pm nitong Huwebes.

Ayon kay Police Colonel Eugene Rebadomia, officer in charge ng Bacolod City Police Office, lumabas sa imbestigasyon na biglang natumba ang mga biktima sa kanilang motorsiklo nang maging pula ang traffic light.

Wala umanong nakarinig ng putok ng baril at inakalang aksidente lang na natumba ang dalawa.

Dinala ang mga biktima sa ospital at idineklang dead on arrival ang 18-anyos na biktima, habang kritikal naman ang lagay ng kaniyang kasama.

Ayon sa pulisya, may record umano ng pagkakasangkot sa pagnanakaw ang dalawa, na kinumpirma naman ng barangay para sa kaso ng 18-anyos na biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at pagsusuri sa mga CCTV camera na inaasahang makakatulong sa paglutas sa krimen. – FRJ GMA Integrated News