Sugatan ang isang bata matapos siyang masalpok ng isang humaharurot na motorsiklo habang tumatawid kasama ang ina sa Mangaldan, Pangasinan. Ang rider, sugatan din.

Sa ulat ni Jasmine Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa CCTV camera mula sa pagbaba ng ina at dalawa niyang batang anak mula sa isang jeepney sa Barangay Malabago dakong 6:00 pm nitong Linggo.

Magkakasabay na tumawid ang mag-iina at halos nasa kabilang bahagi na sila ng kalsada nang biglang sumulpot ang motorsiklo at nahagip ang isa dalawang bata.

Tumilapon ang bata at maging ang rider.

Rumesponde naman kaagad ang mga opisyal ng barangay para tulungan ang mga sugatan at madala sa ospital.

Hindi na inihayag sa ulat kung ano ang naging kalagayan ng dalawa.

Samantala, tatlo ang sugatan—kabilang ang dalawang estudyante—nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Aurora Rojas Road sa Aurora, Isabela noong Biyernes.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing sakay ang dalawang estudyante sa isang motorsiklo at paliko sana papunta sa isang tindahan salpukin sila ng isa pang motorsiklo.

Dinala ang mga biktima sa ospital, at nakatakdang mag-usap ang mga sangkot sa insidente. – FRJ GMA Integrated News