Isang lalaking suspek sa panghoholdap at pananaksak sa Antipolo City nitong Linggo ang nahuli sa bubong ng isang bahay.
Aminado ang suspek sa pananaksak na dahil daw sa galit niya sa biktima.
Pinagtulungang ibaba ng mga tanod ang nakaposas na 29-anyos na suspek.
Ayon sa barangay, umaga nitong Linggo nangyari ang panghoholdap umano sa 34-anyos na lalaking biktimana nasaksak pa sa leeg matapos siyang nakawan ng suspek.
“Naglalakad lang po ako nu'ng umaga po nu'n. 'Di ko po alam kung saan nanggaling 'yung galit niya kaya po bigla na lang po niya 'ko sinaksak nu'ng oras na 'yun. Pinagbantaan niya po ako tapos gusto niya po akong patayin. Tapos 'yung gamit ko po nalaglag, kaya kinuha niya rin po. Cell phone po," kuwento ng biktima.
Ayon kay Baby Garcia Salen, kapitana ng Barangay San Isidro, magkakilala ang suspek at ang biktima.
“Personal na kilala po ng biktima 'yung suspek. Tapos po 'yun po, nu'ng siya po ay inabangan, tinutukan at nasaksak po sa leeg, nakuha po ang cell phone… Nai-report po dito sa barangay at agresibo po ang ating mga tanod. Talagang 'di siya tinantanan hangga't 'di po nila mahuli," ani Salen.
Aminado ang suspek na si alyas 'Baloloy' sa pananaksak sa biktimang madalas aniyang makituloy sa kanilang bahay.
Nagawa raw niya 'yun dahil sa galit.
Itinanggi naman niya ang paratang na pagnanakaw.
“Napuno na po kasi ako eh. Nag-away po kami nu'n tapos lagi kasi akong kinukuhanan ng gamit sa bahay kaya ginanun ko, sinaksak ko po sa leeg... Tulad ng mga power bank, mga damit. Wala na nga akong ilaw, kukuhanan pa ako. Tapos cell phone ko kinuha rin," saad ng suspek.
Sa records ng pulisya, dati nang naaresto ang suspek dahil sa mga insidente ng akyat-bahay, pagnanakaw, at panghoholdap umano sa Antipolo City.
Sa custodial facility ng Antipolo Component City Police Station naka-detain ang suspek na nahaharap sa reklamong robbery. —KG GMA Integrated News

