Arestado ang isang lalaki sa Antipolo, Rizal matapos niyang magnakaw ng motorsiklo sa Barangay San Isidro nitong Linggo ng madaling araw.
Natunton siya matapos ituro ng dalawang saksi.
Sa kuha ng CCTV sa barangay alas-dose ng hatinggabi nitong Linggo, kita ang dalawang batang nakatambay sa gilid ng kalsada.
Sa isa pang kuha ng CCTV, kita ang pagdaan ng motorsiklong ninakaw ng suspek.
Ayon sa may-ari ng motor na si Marlon Pelicano, kinaumagahan na nang malaman niyang ninakaw ang kaniyang motor na ginagamit niya sa kanyang hanapbuhay.
“'Pag wala pong motor, wala po talaga akong kita. Kung saan-saan po ako nakakarating gamit ang aking motor – Pangasinan, Tarlac, Quezon, Batangas. Installer po ako ng smart lock," aniya.
“Paggising ko po ng alas-otso ng umaga, nagulat na lang po ako na wala na 'yung motorsiklo ko. Then nagtungo po agad ako sa barangay para makahingi ng aksiyon," dagdag ni Pelicano.
Ayon kay Baby Garcia Salen, kapitana ng Barangay San Isidro, nagsagawa agad sila ng follow-up operation.
“Agad-agad pong nagkaroon ng follow-up operation ang ating mga tanod. Nalaman po na may CCTV footage. Doon po nakita na may witnesses, dalawang menor de edad po na nakatambay po sa area," ani Salen.
Itinuro raw ng mga saksi sa biktima ang lugar na pinagtatambayan ng suspek sa Barangay Bagong Nayon at doon naaresto ang suspek.
“At nu'ng pumunta du'n ang ating tanod kasama ang ating pulis, inamin ng suspek na 'yung motor ay inaalok na niya, actually iniikot niya na sa ibang barangay, partikular sa Barangay Cupang (para raw po ibenta na),” sabi ni Salen.
Narekober ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo.
Kuwento ng suspek na si alyas Jay, nakatambay lang siya sa may labas ng bahay ng biktima at napagdiskitahan ang motorsiklo para nakawin at ibenta.
“Nakita ko po sa lapag 'yung susi. Sinubok ko po sa motor. Eh gumana po. Kinuha ko na rin po. Ibebenta ko na rin po. P8k. Pangkakain lang po. Sobrang gutom po," sabi ng suspek.
Ayon pa sa suspek, ikatlong beses na niya itong makulong.
Dati na raw siyang nasangkot sa mga insidente ng akyat bahay at pagnanakaw sa kanilang barangay.
Nakapiit sa custodial facility ng Antipolo Police ang suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016. —KG GMA Integrated News
