Patay ang isang 23-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin sa Lapu-lapu City. Ang biktima, nagmula umano sa Surigao, at bagong salta lang sa nabanggit na lungsod.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nagtamo ng 10 tama ng bala ng baril ang biktima na natagpuang duguan sa likod ng isang nakaparadang tricycle sa Sitio Kabaloy, Barangay Pajac.

Ayon sa may-ari ng tricycle, nagulat na lang siya nang malaman na may duguang lalaki na nakita sa likod ng nakaparada niyang sasakyan. Hindi umano niya kilala ang biktima kaya naisip niyang hindi ito residente sa kanilang lugar.

Ayon sa ilang residente, hindi nila nakita ang pangyayari pero dakong hapon nitong Lunes nang makarinig sila ng mga putok ng baril.

Sa paunang imbestigasyon ni Police Captain Edcel Petecio, information officer ng Lapu-Lapu City Police Office, mula sa Surigao ang biktima at kadarating lang sa lungsod.

Pansamantala umano itong naninirahan sa kaniyang pinsan sa Barangay Basak ay sumasailalim sa training bilang mananahi.

Posible umanong may kinalaman sa ilegal na droga o relasyon ang motibo sa krimen.

Nakita umano sa cellphone ng biktima na may ka-chat ito ilang oras bago nangyari ang krimen, at ipinaalam ng biktima kung nasaan siya.

Aalamin din ng pulisya kung may CCTV camera na malapit sa lugar ng pinangyarihan ng krimen na posibleng makatulong sa kanilang imbestigasyon.

Wala pa umanong pahayag ang pamilya ng biktima kaugnay sa nangyari, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News