Nasawi ang isang 15-anyos na estudyante matapos siyang saksakin sa dibdib ng isa ring mag-aaral na 16-anyos sa loob ng kanilang paaralan sa Floridablanca, Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng pulisya na nagkaroon ng alitan ang dalawa at nagkapikunan na nauwi sa suntukan.
Nang maawat sila, dito na umano nagkaroon ng pagkakataon ang 16-anyos na estudyante na kunin ang patalim sa kaniyang bag at sinaksak ang biktima.
Dinala sa ospital ang 15-anyos na estudyante pero binawian din siya ng buhay.
Dahil mga menor de edad ang sangkot sa insidente, dinala ang usapin sa Municipal Social Welfare and Development Office.
Sinampahan ng reklamong homicide ang 16-anyos na estudyante na nasa shelter ng Floridablanca local government.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at maging ang panig ng nakasaksak na menor de edad.—FRJ GMA Integrated News
