Sugatan ang 15 kataon, kabilang ang ilang bata at senior citizens, matapos banggain ng isang kotse ang isang public utility jeepney (PUJ) na nagsasakay ng pasahero sa Naga City sa Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera na nagsasakay ng pasahero ang jeepney kaninang umaga sa Barangay Tuyan, nang bigla itong salpukin ng kotse.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumagilid ang PUJ at tinamaan ang ilang tao na nakatayo sa gilid ng daan, kasama ang ilang bata.

Ayon sa awtoridad, nasugatan sa insidente ang driver ng PUJ at anim niyang pasahero, limang pedestrians; at tatlo pang pasahero ng kotse.

Inaresto ang driver ng kotse na idinahilan na nagloko umano ang manebela ng kaniyang sasakyan.

Gayunman, posible umanong nakatulog ang driver ng kotse, at isasailalim siya ng mga awtoridad sa drug test at breathalyzer test.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyari.—FRJ GMA Integrated News