Natagpuang walang malay sa bahay ng kaniyang amo sa Kuwait ang isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) matapos umanong atakihin sa puso, at kinalaunan ay binawian ng buhay. Ang anak ng OFW, emosyonal na humihingi ng tulong upang maiuwi kaagad ang kanilang ina para makasama at mayakap nila sa huling pagkakataon.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing tubong Dagupan City sa Pangasinan ang pumanaw na OFW na si Dorothy Viloria, 41-anyos.

Simula pa noong 2014, pabalik-balik na si Viloria sa Kuwait para magtrabaho. Huli siyang umalis pabalik ng Kuwait noon lang Oktubre 2026.

Ayon sa kaniyang anak na si Lawrence, nakausap pa niya ang ina noong nakaraang Marso 1, pero kinabukasan ay nakatanggap sila ng malungkot na balita na pumanaw ang kanilang ina.

“Nakita raw po nila sa CR nakahandusay na po. Wala na siyang malay. Dinala sa ospital pero hindi na umabot nang buhay,” sabi ni Lawrence.

Batay sa natanggap na impormasyon nina Lawrence, sinabi umano ng duktor sa Kuwait na heart attack ang dahilan ng pagpanaw ng kanilang ina.

“‘Ang sabi ng amo niya sa kanila, heart attack ang findings ng doktor. Nasabi sa amin ni Mama, may problema nga po talaga sa puso niya,” saad ng anak.

Ulila na rin sa ama sina Lawrence at tatlo pa niyang kapatid kaya umaapela sila ng tulong para maiuwi sa bansa ang mga labi ng kanilang ina.

“Sobrang hirap po kasi. Sobrang bata pa ni Mama. Sana matulungan po kami sa pagpapauwi sa kaniya para makita pa namin yung katawan at mayakap pa namin siya,” emosyonal niyang pakiusap.

Nakikipag-ugnayan na umano ang Department of Migrant Workers sa pamilya para maihanda ang mga kailangang dokumento para maiuwi sa bansa ang kaniyang mga labi.

Aalamin din ng Overseas Workers Welfare Administration Region 1 office ang mga tulong na kailangan ng naulilang pamilya ni Viloria.

Nakahanda rin umano ang OFW Desk ng Dagupan City local government upang magbigay ng tulong kina Lawrence.—FRJ GMA Integrated News