Isang babae na armado umano ng AR-15-style rifle ang dinakip kasunod ng pagpapaputok ng baril sa bahay ni Rihanna sa Los Angeles, USA. Sinasabing nasa bahay ang singer nang mangyari ang insidente.
Batay sa ulat ng NBC News, nangyari ang pamamaril dakong 1:21pm. Iniulat naman ng People Magazine na kaagad na dumating ang mga awtoridad sa lugar.
Binanggit ng People, na iniulat ng LA Times na, "first responders can be heard saying 'approximately 10 shots' had been fired at the residence from a vehicle - a white Tesla — across the street."
Ayon naman sa NBC, "four rounds of fragments hit parts of the property," habang iniulat ng local station na na KTLA, na may hindi bababa sa isang bala na tumagos sa pader ng bahay.
Wala namang naiulat na nasugatan, at hindi pa malinaw kung may iba pang kasama ang pop star sa bahay nang mangyari ang pamamaril.
Ayon sa awtoridad, nasa 30-anyos pataas ang edad ng babaeng suspek na tinangka umanong tumakas mula sa lugar pero naaresto rin makalipas ang ilang sandali.
Nakarekober din ang pulisya ng isang armas mula sa suspek, ayon sa KTLA.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa nangyaring pamamaril.
Walang opisyal na pahayag si Rihanna sa nangyaring insidente. – may ulat din mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News

