Kasalukuyang stranded ang nasa 20,000 seafarer at 15,000 mga pasahero ng cruise ship sa Middle East sa gitna ng nagpapatuloy na gulo roon, ayon sa International Maritime Organization ng United Nations.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ng IMO na handa itong tumulong para matiyak ang kaligtasan at kalagayan ng mga naiipit doon na seafarer.

Dahil patuloy na apektado ng gulo ang ilang port facilities, sinabi ng IMO na hirap na masigurong ligtas na makakababa mula sa barko ang mga seafarer para sa repatriation.

Nag-strike naman ang mga seafarer sa Greece upang manawagan na ma-repatriate ang mga kapuwa nila tripulante.

Hindi rin umano dapat hayaan na makapunta ang mga barko sa mga lugar na apektado ng bombahan ng Amerika-Israel laban sa Iran.

Patuloy na kinukuha ng GMA Integrated News ang reaksyon ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News