Nakabawi na si Alex Eala laban kay Coco Gauff ngunit sa panalo na hindi niya ninanais nang magharap ang dalawa sa Round of 32 ng 2026 Indian Wells Open nitong Lunes sa California, USA.

Nanaig ang Pinay tennis star sa iskor na 6–2, 2–0 matapos umatras sa laban ang world no. 4 na si Gauff dahil sa injury.

Noong Pebrero 20, tinambakan ni Gauff si Eala, 6–0, 6–2 sa kanilang laban sa quarterfinals ng Dubai Tennis Championships.

"I really didn’t wanna win this way, but this is still a really big moment for me to be able to play on the stadium of the Indian Wells and against such a great competitor," saad ni Eala sa post-game interview.

"I’m really grateful to be here and I’m super happy."

Naging malakas ang simula ng 21-anyos na si Gauff matapos makalamang ng 2–1 sa Set 1 laban Eala. Ngunit mabilis na bumawi si Eala sa laro upang makuha ang unang set.

Nanalo ang 20-anyos na Pinay ng limang sunod na games, na kinatampukan ng matinding laban na extended fourth game, pag-sweep sa fifth game,  at comeback effort sa ika-anim na laro upang makuha ang 5-2 na lamang.

Sunod nito ay ipinasuri ni Gauff ang kanyang kaliwang braso sa isang medical timeout ngunit bumalik siya sa laban makalipas ang ilang minuto. Gayunman, hindi na nakabawi ang American star at nagkaroon pa ng double fault na nagbigay-daan kay Eala upang makuha ang unang set.

Nakapagtala rin si Eala ng maagang 2–0 na lamang sa ikalawang set, ngunit matapos nito ay nagdesisyon na si Gauff na hindi na ituloy ang laro na nagbigay-daan sa panalo ng Pinay ace.

Sunod na haharapin ni Eala ang world no. 14 ni Linda Noskova ng Czech sa Round of 16. — Bea Micaller GMA Integrated News