Inulan ng batikos si Quezon City Representative Bong Suntay dahil sa mga pahayag niya tungkol kay Anne Curtis sa pagdinig ng House Committee on Justice. Nangyari ito habang dinidinig ang reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Ayon sa Philippine Commission on Women, may mga katangiang maituturing na gender-based sexual harassment (GBSH) ang mga pahayag ng kongresista sa ilalim ng Safe Spaces Act. Ano nga ba ang saklaw ng batas na ito? Alamin.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing inihalintulad ni Suntay ang kaniyang “desire” kay Anne sa naunang pahayag ni Duterte na gusto niya umanong ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na para sa kongresista ay “imahinasyon” lamang.

Pero kinondena ito ng Philippine Commission on Women, na inilahad na ang mga sinabi ni Suntay ay hindi simpleng pagpapahayag ng paghanga, kundi isang public act of sexual objectification na ginagawa umanong normal ang kultura ng harassment na nararanasan ng mga kababaihan.

"These words are not harmless expressions of respect. They are a public act of sexual objectification, a declaration of predatory desire directed at a woman, made openly, by a person who holds public trust and authority,” ayon sa Philippine Commission on Women.

Layon ng Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act o, mas kilala bilang “Bawal Bastos Law,” na protektahan ang tao laban sa gender-based sexual harassment (GBSH).

Tanda ito ng pagpapahalaga sa dignidad ng bawat tao at ang pagtiyak ng ganap na paggalang sa karapatang pantao.

Sakop ng Safe Spaces Act ang lahat ng uri ng GBSH na nangyayari sa lansangan, public spaces, educational o training institutions, workplaces, at online spaces.

Ang GBSH sa kalsada at public spaces ay tumutukoy sa mga hindi inaasahan at hindi hinihinging sexual actions o remarks laban sa isang tao, anuman ang motibo.

Kasama na rito ang catcalling o unwanted remarks tulad ng wolf-whistling, pagsipol, misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist na panlalait.

Maituturing ding GBSH ang mga hindi hinihinging imbitasyon, pati na rin ang paulit-ulit na komento o gestures tungkol sa hitsura ng isang tao.

Kasama rin sa listahan ang relentless requests for personal details o paulit-ulit na panghihingi ng personal na impormasyon.

GBSH din ang sexual comments o suggestions, lewd sexual actions, gaya ng public masturbation, pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan, panghihipo, o paggawa ng offensive body gestures.

Kasama pa ang unwanted advances, verbal man o pisikal, na nagbabanta sa personal space at kaligtasan ng isang tao, kabilang ang pagmumura, pagli-leer, panunukso, at paulit-ulit na sexual jokes o paggamit ng sexual names.

GBSH ding maituturing ang stalking, o paulit-ulit na paglapit, pagsunod, o pakikipag-ugnayan nang walang pahintulot na maaaring magdulot ng takot o emotional distress sa isang tao.

Nakabase ang parusa sa uri ng paglabag at kung ilang beses ito ginawa.

Para sa verbal gender-based sexual harassment:

  • First offense: 12 oras na community service na may kasamang Gender Sensitivity Training at multang P1,000.
  • Second offense: Pagkakakulong ng 6 hanggang 10 araw o multang P3,000.
  • Third offense: Pagkakakulong ng 11 hanggang 30 araw at multang P10,000.

Para naman sa demonstrated gender-based sexual harassment.

  • First offense: 12 oras na community service na may Gender Sensitivity Training at multang P10,000.
  • Second offense: Pagkakakulong ng 11 hanggang 30 araw o multang P15,000.
  • Third offense: Pagkakakulong ng 1 buwan at 1 araw hanggang 6 buwan at multang P20,000.

Para sa stalking at pisikal na advances tulad ng paghawak, pagpisil o pagdampi sa genitalia, groin, o dibdib.

  • First offense: Pagkakakulong ng 11 hanggang 30 araw o multang P30,000, at kailangang dumalo sa Gender Sensitivity Training na isasagawa ng PNP katuwang ang LGU at PCW.
  • Second offense: Pagkakakulong ng 1 buwan at 1 araw hanggang 6 na buwan o multang P50,000.
  • Third offense: Pagkakakulong ng 4 na buwan at 1 araw hanggang 6 na buwan o multang P100,000.

Humingi na ng paumanhin si Suntay kay Anne pati na rin sa mga taong nasaktan sa kaniyang mga pahayag sa pagdinig ng House Committee on Justice. Gayunman, iginiit pa rin ng mambabatas na paraan lamang ang ginawang paghahambing para ipakita na ang pag-iisip o imahinasyon ay hindi isang impeachable offense.

“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, tayo'y, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy. But kung may nasaktan, humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi, uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kaniya,” sabi niya sa pahayag.

Naghain na ng ethics complaint laban kay Suntay ang mga women’s rights advocate nitong Marso 5, na sinamahan ni Gabriela Representative Sarah Elago.

Bago nito, iniutos ng House of Representatives na humarap si Suntay sa House Committee on Ethics tungkol sa kaniyang mga pahayag sa pagdinig.

"Pag-aralan niya ang batas kasi mambabatas siya. Dahil mambabatas siya, dapat mas mabigat ang parusa niya kaysa sa ibang tao," sabi ni Liza Maza, dating Gabriela Party-List Representative.— FRJ GMA Integrated News