Nasawi ang isang 50-anyos na lalaki, habang sugatan ang anak niyang babae na 14-anyos, matapos sila barilin sa loob ng isang internet café sa Talisay City, Cebu. Nang madakip ang mga suspek, lumilitaw na napagkamalan lang ang biktima.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen noong Biyernes ng gabi sa Sitio Tabok Sapa, Barangay Jaclupan sa nasabing lungsod.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang nasawing biktima na si Richard Silva De Lima, na naglalaro umano sa loob ng internet shop nang pumasok ang salarin at binaril siya sa ulo.

Tinamaan naman sa hita ang anak niya mula sa tumagos na bala na tinamo ng ama.

Dinala ang mag-ama sa ospital pero hindi na umabot nang buhay ang nakatatandang de Lima.

Ayon sa may-ari ng internet shop, nakasuot ng helmet ang suspek nang pumasok at hindi niya binigyan ng pansin dahil sa pag-aakalang may sadya lang ito sa loob. Hanggang sa nakarinig na siya ng putok.

Sinabi naman ng pinsan ng biktima na wala silang alam na kaaway si de Lima.

Hindi rin nai-recprd sa CCTV camera ang pangyayari sa loob ng internet café dahil puno na umano ang memory.

Pero nahagip sa CCTV camera sa kalapit na internet shop ang suspek na nakasuot ng helmet habang naglalakad papalayo mula sa pinangyarihan ng krimen.

Sa follow-up operation, nadakip ng mga pulis ang bumaril sa biktima at itinuro ang nag-utos sa kaniya, na nahuli rin kalaunan.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na hindi si de Lima ang target na itumba ng salarin kung hindi ang isang lalaki na katabi nito sa internet shop.

Posible umanong may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo ng salarin sa taong target talaga nilang paslangin. —FRJ GMA News