Napilitang tumakbo palayo ang isang grupo ng mga jogger matapos masaksihan ang pagbuga ng makapal at maitim na abo mula sa Mayon Volcano noong Sabado, Mayo 2.

Ayon sa post ng YouScooper na si Kenneth Urbano, nagjo-jogging sila ng kaniyang mga kaibigan sa  bypass road ng Camalig sa Albay nang mapansin ang paglabas ng usok mula sa bulkan.

“Noong una, medyo amazed pa tapos nag-take pa kami ng pictures, pero kalaunan medyo nagwo-worsen na ang situation kaya tumakbo na kami nang mabilis. Akala namin lalamunin na kami ng abo,” ani Urbano sa kaniyang post.

Kuwento niya, una nilang nakita ang puting usok na bumababa mula sa Mayon, ngunit pagdating sa kabilang bahagi ng kalsada ay kumapal ito at naging maitim, dahilan upang magmadali silang lumikas sa lugar.

Ligtas namang nakauwi ang grupo matapos silang maisakay ng isang dumaraang sasakyan.

Samantala, patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang aktibidad ng Mayon Volcano, na nananatili sa Alert Level 3 o mataas na antas ng pag-aalboroto.

Babala ng PHIVOLCS, posibleng magkaroon ng mapanganib na pagputok, pagdaloy ng lava, pagguho ng bato, at pagbuga ng abo sa paligid ng bulkan.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone dahil sa banta ng pyroclastic density currents at iba pang panganib.

Pinapayuhan ang mga residente sa kalapit na lugar na manatiling alerto, magsuot ng face mask sa panahon ng ashfall, at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.—MCG GMA News