Nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal ang isang pulis sa Malolos City, Bulacan, na napanood sa isang viral video na sinasaktan ang kaniyang live-in partner, ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Miyerkoles. Ang pulis, humingi ng tawad sa biktima nang magkaharap.

"Nakasuhan na siya ng criminal case ng Philippine National Police. Nagsampa na rin po ng kasong administratibo ang biktima dito sa NAPOLCOM," sabi ni NAPOLCOM Commissioner Atty. Rafael Vicente Calinisan sa isang pulong balitaan.

Bago nito, sinabi ng PNP na sinibak sa puwesto ang pulis matapos niyang saktan ang kaniyang live-in partner sa loob ng kanilang bahay noong Marso 12, na nakita sa CCTV footage na nag-viral online.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-ugat ang kanilang pagtatalo umano matapos patayin ng pulis ang kaniyang location tracker, na ikinagalit ng biktima.

Sa punong balitaan, humingi ng paumanhin ang pulis sa insidente.

“Ako po ay humihingi ng pasensiya sa lahat ng na-offend ng nangyari sa aming mag-partner po, lalong-lalo na po sa amin dalawa,” sabi niya.

“Napag-usapan namin 'yan pero mali po ang pangyayari na ito, na naging ikinasira pa ng PNP. Ito pong pangyayaring ito ay aking pansarili lamang. Hindi po lahat ng pulis ay ganito,” dagdag pa niya.

Sa hiwalay na ulat naman ni Jun Veneracion sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng police corporal na nagkapatong-patong na problema sa negosyo at personal nilang buhay ang dahilan ng sakitan.

Gayunman, sinabi niyang hindi ito sapat na rason para depensahan ang kaniyang nagawa.

Humingi rin ng tawad ang pulis sa PNP matapos madamay pati imahe ng mga pulis.

Samantala, tahimik lang na nakinig ang biktima, at tumangging magsalita nang tanungin ng media.

Sinabi ni Calinisan na kahit humingi ng tawad ang pulis, tutuluyan pa rin ito sa ginagawang administrative proceedings.

Maaari ring maharap ang pulis sa dismissal sa serbisyo.

Sinabi ni Calinisan na walang puwang ang mga katulad ng nanakit na police corporal sa hanay ng pulisya.

Kasalukuyang nasa restrictive custody ang pulis. — VBL GMA News