Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na pinaigting nila ang paghahanap sa mga may arrest warrant na sina Atong Ang, dating Bureau of Corrections chief na si Gerald Bantag, at dating pulis na si Rafael Dumlao III. Ito ay matapos maglabas ang Interpol ng red notices laban sa kanila.
Una nang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na naglabas na ng Interpol red notices laban sa naturang mga akusado sa ilang itinuturing high-profile cases.
“Kasama po ‘yan noong Sunday na emergency conference,” sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier Randulf Tuaño sa panayam ng GMA News’ Unang Balita nitong Martes.
“In-activate po ang lahat sa mga manhunt operations team po natin sa buong regional offices nationwide para po i-intensify 'yun pong sinasabi natin na pag-aresto sa mga nasabing indibiduwal,” dagdag niya.
Batay sa intelligence reports, sinabi ni Tuaño na nasa Pilipinas pa rin ang tatlo.
Naglabas ang korte ng arrest warrants laban kay Ang at iba pa, kaugnay ng maraming bilang ng kidnapping with homicide at kidnapping at serious illegal detention na may koneksyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kanya.
May iniaalok na P20 milyong pabuya para sa sinomang may impormasyong magreresulta sa pagkakaaresto ni Ang. Kamakailan lang, sinabi ng mga awtoridad na namataan siya sa Cavite noong Abril.
Samantala, noong Abril 2023, iniutos ng korte sa Muntinlupa ang pag-aresto kay Bantag kaugnay ng pagkamatay nina Percy Lapid, isang broadcaster, at si Jun Villamor, na umano’y middleman sa pagpaslang sa broadcaster.
Oktubre 2022 nang nagbabarilin habang nasa loob ng sasakyan si Lapid. Nadakip kinalaunan ang gunman.
Itinanggi naman ni Bantag ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Noong Abril 2023, iniutos ng korte sa Muntinlupa ang pag-aresto kay Bantag kaugnay ng pagkamatay ni Jun Villamor, na umano’y middleman sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 2022.
Itinanggi rin ni Bantag ang mga alegasyon laban sa kanya.
Mayroong cash reward na P2 milyon para sa ikadarakip ni Bantag, ayon sa mga awtoridad ay nagtatago sa Cordillera area.
Samantala, binaligtad ng Court of Appeals (CA) noong Hulyo 2024 ang pagpapawalang-sala kay Dumlao sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo noong 2016. Sa halip, hinatulan siya ng reclusion perpetua ng korte.
May isang P1 milyong pabuya sa ikadarakip ni Dumlao.
PURO PA-POGI
Samantala sa isang post sa Facebook, pinuna ni Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na si Lapid, ang naturang pahayag ng PNP na paiigtingin ang paghahanap sa mga sangkot sa high profice cases, kabilang si Bantag na itinuturong nasa likod ng pagpatay kay Lapid.
“May Interpol Red Notice na pero parang hide and seek pa rin? Baka kailangan na ng isang batalyon ng PNP para tugisin sina Atong Ang, Gerald Bantag, at Rafael Dumlao — hindi ‘yung mga ‘crack operatives’ na laging huli sa intel,” saad ni Mabasa sa post.
Patuloy ni Mabasa, “Si Bantag nga, apat na taon nang parang naka-unli tour sa Cordillera, pero hanggang ngayon, ‘di pa rin mahanap. Tama na ang puro pa-pogi at pakuya-kuyakoy, DILG Sec. Jonvic Remulla. Laos na ‘yan.” -- FRJ GMA News

