Aabot sa 53 native at exotic wildlife species ang nasagip ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Barangay Maribulan, Alabel, Sarangani.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources-SOCCSKSARGEN (DENR-12), na isinagawa ang operasyon matapos makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa ilegal umanong pagdadala at bentahan ng mga hayop sa lugar.
Sa isinagawang operasyon, siniyasat ng mga awtoridad ang isang pansamantalang pasilidad na pinaglalagyan ng mga hayop sa isang residential compound sa Purok Silangan. Natuklasan doon ang iba’t ibang uri ng hayop na nakakulong sa mga transport crate na gawa sa kahoy at mga kulungan na yari sa alambre, na pinaniniwalaang inihahanda nang ibiyahe.
Kabilang sa mga narekober na hayop ay 14 na loro, 18 black-capped lories, 11 kalapati, tatlong wallaby (na patay na ang isa), tatlong Rufous hornbill, dalawang cockatoo, isang black lory, at isang white-bellied sea eagle—na isang katutubong uri na itinuturing nang nanganganib mawala (vulnerable).
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng ilang lalaking pinaniniwalaang sangkot sa operasyon na tumakas nang dumating ang mga awtoridad.
Batay sa imbestigasyon, inaalagaan at iniingatan umano ang mga hayop nang walang kaukulang permit, na isang paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147).
Sa dami ng mga hayop at ang paggamit ng mga lalagyang handa na para sa transportasyon, naniniwala ang awtoridad na posibleng pang-commercial trading ang operasyon sa lugar.
Ipinasa sa CIDG Sarangani Provincial Office ang mga nasagip na hayop para sa ligtas na pag-iingat bilang ebidensiya. Habang dinala naman sa Sarangani Environmental Conservation and Protection Center ang agila para masuri at maalagaan.
Kinumpirma naman ng awtoridad na pumanaw na rin ang natitirang dalawang wallaby.
“The DENR reiterates its call to the public to help protect wildlife by reporting illegal collection, possession, transport, and trade of wildlife species, which threaten biodiversity and the ecological balance of the country's natural ecosystems,” ayon sa DENR-12.—FRJ GMA News

