Natagpuang patay ang isang dalawang-taong-gulang na babae sa isang hukay na puno ng tubig sa likod mismo ng kanilang bahay sa Barangay Guintigui-an, Ormoc City.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, umalis nang maaga ang ina ng bata upang bumili ng mga gamit para sa paaralan. Iniwan niya ang kanyang anak sa pangangalaga ng kanyang hipag.
Pagbalik ng ina sa bahay, nawawala na ang kaniyang anak na babae.
Agad nila itong hinanap at natagpuang palutang-lutang sa tubig sa isang hukay sa likod ng bahay. Ginawa umano ang hukay para gawing septic tank.
Hindi kaagad iniulat ng pamilya ang insidente sa pulisya dahil naniwala silang aksidente lamang ang nangyari sa bata.
Sinabi ni Police Capt. Ramil Caldona, Officer-in-Charge ng Ormoc City Police Station 2, na lumabas sa paunang imbestigasyon na abala ang hipag sa paglalaba kaya hindi niya napansin na nawawala na pala ang bata. – FRJ GMA News
