Nasa pitong porsiyento ng populasyon ng critically endangered Tapanuli orangutan ang namatay dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Sumatra, Indonesia noong nakaraang taon, ayon sa bagong ulat ng mga mananaliksik.
Bukod sa pagkamatay ng mga orangutan, sinabi sa ulat na ang mga pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng mga bagyo ay nagresulta rin sa pagkamatay ng hindi bababa sa 1,200 katao at pagkasira ng humigit-kumulang 300,000 tahanan.
Ayon sa mga environmental group, ang lawak ng pinsala ay pinalala ng mabilis na pagkakalbo ng kagubatan sa isla ng Sumatra.
Idinagdag pa na hindi bababa sa 58 Tapanuli orangutan ang namatay sa pagbaha. Natagpuan ang mga ito sa lugar na nakapalibot sa Batang Toru Forest sa hilagang Sumatra. Batay ito sa isinagawang pagsusuri sa kanlurang bahagi ng kagubatan kung saan nakatira ang karamihan sa tinatayang 800 orangutan.
Ang ulat ay pinagsama-samang pag-aaral ng Brunei-based Borneo Futures, World Weather Attribution, at Liverpool John Moores University. Hindi nasuri sa pag-aaral ang iba pang bahagi ng kagubatan, kaya posibleng mas mataas pa umano ang bilang ng mga namatay na orangutan.
Nakuha ang datos tungkol sa pag-aaral dahil sa mga pagsusuri sa mga satellite image tungkol sa pinsala sa West Block ng Batang Toru at mga historical record sa populasyon ng orangutan sa lugar.
Ayon sa pag-aaral, maaaring na pinalala ng climate change na dulot ng tao ang tindi at dalas ng mga pag-ulan sa paligid ng Malacca Strait, na naglagay sa matinding panganib sa tirahan ng mga Tapanuli orangutan.
Sinabi ni Erik Meijaard ng Borneo Futures, ang pangunahing may-akda ng pag-aaral, na labis na nabasa ng malalakas na ulan ang lupa hanggang sa bumagsak ang malalaking bahagi ng mga gilid ng bundok sa kagubatan at nagdulot ng pagguho ng lupa.
"If you get caught as an orangutan... if anything comes down at great speeds, survival chances are going to be very minimal, so it became a real concern," saad ni Meijaard.
"This level of loss is substantial for a species with such a small total population. When combined with ongoing pressures such as habitat degradation and human-wildlife conflict, it further increases the urgency of implementing and adequately resourcing a coordinated species action plan," dagdag niya.
Hinimok naman ni Panut Hadisiswoyo, isa pang mananaliksik, ang pamahalaan ng Indonesia na makipagtulungan sa mga non-government organizations (NGOs) at mga researcher upang mapigilan ang patuloy na pagbaba ng populasyon ng mga orangutan.
"We can minimize the poaching or hunting and then the number probably can be stabilized," aniya, at idinagdag na kailangang bigyang-pansin ng lahat ng sektor ang hindi maayos na paggamit ng lupa, na isa rin sa mga dahilan ng pagbaba ng populasyon ng orangutan. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
